November 19, 2024

PAGBABANTA, PAG-ATAKE SA MEDIA, TUTUKUYIN BILANG ELECTION OFFENSE

Nakatakda ng maisapinal ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) at Commission on Elections (COMELEC) ang isang kasunduan na magklaklasipika bilang election offense sa mga pagbabanta, pananakot, pisikal na pag-atake at iba pang anyo ng karahasan laban sa mga miyembro ng media sa panahon ng halalan.

Ayon kay PTFoMS Executive Director,  Usec. Paul Gutierrez, isa ito sa mga pangunahing isinusulong na  nila ni COMELEC chairman George Erwin Garcia,  sa isinagawa nilang pulong  sa tanggapan ng Comelec kamakailan.

Sinabi ni Gutierrez na kanyang ikinalulugod na buo ang pagsuporta ni Garcia sa kagustuhan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr na lumikha ng isang ligtas na kapaligiran para sa mga mamahayag ng bansa, lalo na sa nalalapit na  2025 midterm election.

Nabatid na bilang isang dati rin aniyang broadcast journalist, lubos aniyang batid ni Chairman Garcia ang  mga banta na kinakaharap ng  mga mamamahayag lalo na sa panahon ng halalan kung saan mataas ang tensiyon. Bukod sa pag-uuri sa mga paglabag sa mga karapatan ng media bilang isang election offense, hiniling din ng PTFoMS sa Comelec na maging bahagi ng media safety summits na inorganisa nito sa buong bansa.