November 19, 2024

May-ari ng security agency patay sa pamamaril sa Caloocan

DEDBOL ang 42-anyos na may-ari ng security agency matapos pagbabarilin sa loob mismo ng kanyang tanggapan ng nag-iisang salarin na nagpanggap na aplikante sa Caloocan City.

Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Jeffrey Talisayin habang mabilis na tumakas ang salarin na nakasuot ng dark color na long-sleeve at itim na bonnet, may taas na 5’4 hanggang 5’6, at katamtaman ang pangangatawan, patungo sa hindi nabatid na lugar.

Sa ulat na ipinadala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, naganap ang pamamaslang dakong alas-9:30 ng umaga ng Lunes sa loob ng King Guard Sentinel Security Agency na pag-aari ng biktima sa Block 5, Ipil Avenue, Franville IV Subdivision, Camarin, Brgy., 172.

Sa pahayag ng testigong si alyas “Francis”, 42, operation manager ng isang construction firm, nagpanggap umanong aplikante sa pagiging security guard ang suspek kaya’t pinayagan siyang makapasok sa opisina ng may-ari para makapanayam.

Nang makapasok sa loob ng tanggapan, bumunot ng hindi pa batid na kalibre ng baril ang suspek at malapitang pinaputukan ng tatlong sunod ang biktima na nagresulta ng kanyang kamatayan.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng bala at isang tingga mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril habang patuloy pang nagsasagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Investigation and Detective Management Section (IDMS)-North at Police Sub-Station 8 para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa salarin.

Sinabi ni Col. Lacuesta na inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo sa naturang pamamaslang.