November 16, 2024

STRIP AND CAVITY SEARCH SA MGA DALAW NG MGA PDL, IPINATIGIL

INUTOS ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na ihinto muna ang strip and cavity search sa mga bisita ng mga persons deprived of liberty o PDLs.

Batay sa nilagdaang memorandum, inatasan ni Catapang ang lahat ng superitendents sa lahat ng operating prison and penal farms ng kawanihan na agad ipatupad ang kautusan.

Pinalabas ni Catapang ang kautusan sa gitna nang isinasagawang review o pagsusuri sa kasalukuyang procedures and protocols on strip search and cavity search sa mga dalaw ng mga PDL.

Ayon kay Catapang, mananatili ang kautusan habang pinag-aaralan ang panuntunan ng ahensiya hinggil sa pagpapapasok ng dalaw at hanggang magpalabas ng panibagong memorandum.

Ang hakbang ng bureau ay kasunod ng reklamo ng dalawang bisita ng BuCor na sinasabing pinatuwad ng jailguards at nagreklamo sa Commission on Human Rights o CHR. Kaugnay nito nilinaw ni Catapang na welcome ang Commission on Human Rights (CHR) na magrirebyu sa pinaiiral na protocols and procedures na iniimplemento ng ahensiya sa mga  saklaw nitong prisons and penal farms.