November 16, 2024

LTFRB: P25 DAGDAG-PASAHE SA JEEP MALABO

TINIYAK ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mananatili ang pamasahe sa mga consolidated jeepney at mga modern jeepney sa gitna ng pag-usad ng Public Utility Vehicle Modernization Programs (PUVMP) ng gobyerno.

Ito’y matapos ang naging pahayag ng isang lider ng PISTON na isinusulong nila ang P25 dagdag sa pamasahe upang mabawi ang pinuhunan sa pagbili ng modern jeepney.

Ipinunto ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III na ang taas pasahe ay dapat sumailalim sa masusing pag-aaral at maraming konsultasyon sa mga kinauukulang ahensya.

Dagdag pa niya, dapat dumaan sa tamang proseso ng LTFRB Board ang petisyon para sa pagtaas ng pamasahe.

Dapat rin daw isaalang-alang ang ilang factors gaya ng inflation at presyo ng gasolina bago aprubahan ang fare increase.

Ang kasalukuyang minimum na pamasahe para sa mga traditional jeepney ay P13 habang P15 naman para sa modern jeepney.