November 24, 2024

Palasyo inatasan gov’t agencies, LGUs… NATIONAL CRIME PREVENTION PROGRAM SUPORTAHAN

Inatasan ng Office of the President ang lahat ng ahensya ng pambansang pamahalaan na suportahan at makipagtulungan sa pagpapatupad ng 2024 National Crime Prevention Program (NCPP).

Ito ay ayon sa nilagdaang Memorandum Circular No. 46 noong Abril 18 ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

Batay sa circular, kinakailangang suportahan ng lahat ng ahensya ng gobyerno at instrumentalities, gayundin ang local government units (LGUs), sa NCPP ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang matiyak ang pagiging “success” ng programa.

Matatandaan na noong Pebrero 22, isinumite ng DILG kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang pagpapatibay ng 2024 NCPP na naglalayong magbigay ng “cross-cutting strategies to further foster safe communities, protect the rights of Filipinos, and reduce the prevalence of criminal activities in the country,” na nakahanay sa Philippine Development Plan 2023-2028.

Itinalaga ng Malacañang ang National Police Commission (NAPOLCOM) bilang pangunahing ahensya sa pagpapatupad ng NCPP.

Nakasaad din sa circular na ang mga kinakailangan sa pagpopondo ay dapat singilin laban sa mga umiiral na laang-gugulin ng kani-kanilang mga ahensya at LGU, na napapailalim sa mga naaangkop na batas, tuntunin, at regulasyon.