November 23, 2024

Pagpupugay at pagbati sa ika-106 anibersaryo ng Iglesia Ni Cristo (Huling Bahagi)

Gaya ng ating tinalakay kahapon mga Ka-Sampaguita, ngayong araw ang Ika-106 anibersaryo ng Iglesia Ni Cristo rito sa Pilipinas.Bukod sa ating mga kaibigan at mga kababayang kaanib nito, kaisa tayo sa kanilang pagdiriwang.

Ang Iglesia Ni Cristo sa ngayon, sa panahon ng pamamahal ni Ka Eduardo V. Manalo— ay nakapagpatayo na ng 7,000 kapilya. Mayroon narin itong 160 distrito ecclesiastiko sa 157 bansa’t teritoryo.

Ang hinahangaan natin sa nasabing kongregasyon ay ang kanilang pagkakaisa’t paninidigan sa pagsamba. Kahit nga sa gitna ng COVID-19 pandemic, tuloy-tuloy ang kanilang pagsamba.

Katunayan kapag may halalan, markado ang Iglesia sa kaisahan. Tinatawag ito ng iba sa atin na ‘bloc voting’. Kaya,kapag may okasyon ang Iglesia, gaya ng anibersaryo, binabati ito ng mga prominenteng tao sa politika— maging ng iba’t-ibang lider ng bansa sa mundo.

Gaya ng ibang relihiyon, ang Iglesia ay huwaran sa pagpapalaganap at pagpapatibay ng buhay-espirituwal ng mga miyembro nito. Aminin man natin at hindi, masarap kasama sa komunidad ang mga members ng INC.

Batid naman ng ilan sa atin ang kanilang doktrina. Kaya dapat nating igalang. Malaki rin ang ginagampanan ng INC sa kapakanan ng kalikasan. Gayundin sa paglingap sa kapwa at kapakanang espiritwal.

Nagsasagawa ang INC ang ilang aktibidad bilang pagmamahal sa kalikasan. Isa na rito ang Clean-Up Drive at Tree Planting. Kapag may isinasagawa silang pamamahayag o ‘Bible Exposition’, namamahagi sila ng relief good. Hindi lamang yan, ginagawa rin nila ito sa mga kababayan nating apektado ng kalamidad. Ito ay tinatawag na ‘Lingap sa Mamamayan’ o ‘Aid to Humanity’.

Bukod dito, nagsasagawa rin sila ng medical at dental missions, blood letting at iba pa. Na dahil sa mga aktibidad na ito, kinilala at pinarangalan ang INC ng Guinness Book of World Records.

Marami pang programa at proyekto ang INC na nakatutulong sa ating pamayanan. Maging sa ibang parte ng mundo, kung saan may lokal ang Iglesia.

Tunay na nakamamangha ang narating ng INC ngayon. Ito aniya ang sinasabi ng mga kaibigan natin dito na ‘gawa ng makapangyarihang kamay ng Diyos’.

Muli, sampu ng bumubuo sa pahayagang ito, binabati natin ang INC sa kanilang ika-106 taong anibersaryo. Hangad natin na patuloy pang magabayan ng Iglesia ang mga miyembro nito sa dalisay at maluwalhating paglilingkod sa Diyos. Adios Amoserkos.