November 18, 2024

Lalaking umakyat sa poste ng ilaw sa Navotas, kulong

BAGSAK sa selda ang isang lalaki na nambulabog sa tulog ng mga residente sa isang barangay matapos tatlong oras na mawalan ng supply ng kuryente makaraang umakyat siya sa tuktok ng poste ng kuryente sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, unang inireport sa kanila ang pagwawala umano ng suspek na si alyas “Arnold” 39, ng Naic, Cavite subalit, nang respondehan ng kanyang mga tauhan, umakyat ang lalaki sa tuktok ng poste kuryente sa tapat ng Navotas City Hall sa M. Naval St., Brgy. Sipac Almacin, dakong alas-2:30 ng madaling araw.

Dahil dito, napilitan ang Meralco na pansamantalang putulin ang supply ng kuryente sa naturang lugar para bigyan daan ang mga rescue team sa gagawin nilang pagliligtas sa lalaki.

Ilang oras ding pinakiusapan ng rescue team ang lalaki na bumaba sa poste subalit patuloy lang na tumatanggi at hiniling na makausap ang kanyang asawa.

Dakong alas-5:06 ng umaga nang matagumpay na naibaba ng mga rescuer ang lalaki sa tulong ng dalawang boom truck na kanilang sinakyan habang naibalik muli ang supply ng kuryente bandang alas-5:19 ng umaga.


Ayon kina PSSg Allan Navata at PSSg Levi Salazar, kasong Alarm and Scandal ang isasampa nila kontra sa suspek sa Navotas City Prosecutir’s Office.