November 23, 2024

Higit 10K PDLs, posibleng makalaya dahil sa GCTA

Tinatayang sampung libong persons deprived of liberty (PDLs) ang maaaring makalaya kasunod nang pinalabas na ruling ng Korte Suprema patungkol sa good conduct time allowance o GCTA na maaaring gamitin ng mga sentensiyado sa mga heinous crime.

Kaugnay nito, ipinag-utos ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr.,na isalang na sa evaluation ang  prison records ng mga kuwalipikadong PDLs sa bagong ng Korte Suprema.

Kailangan aniyang tiyakin na nagbago na ang mga makalalabas na PDLs salig sa GCTA ruling at hindi na sila banta sa komunidad.

Matapos ang evaluation, sinabi ni Catapang na isusumite sa Department Justice ang ginawang evaluation.

Sa ilalim ng Department Order 652, lahat ng napipiit na PDLs sa pambansang piitan na lampas na sa sentensiya ay maaaring aprubahan ng Director General ng Bureau of Corrections o ng kanyang kinatawan

Ang pagpapalaya naman sa mga  PDLs na ginawaran ng  life imprisonment o klasipikadong  high-risk/high-profile ay maipatutupad lamang kapag may approval ng  Secretary of Justice.

Makikipag-ugnayan din si Catapang sa Department of Labor and Employment at Technical Education and Skills Development Authority upang mabigyan ng hanapbuhay ang mga palalayaing PDLs.

Kinumpirma rin ng BuCor chief na prayoridad sa palalayain ang mga PDL na may malalang karamdaman upang makapiling ang kanilang mga pamilya at mahal sa buhay.

Sa ruling ng Supreme Court En Banc, na sinulat ni  Associate Justice Maria Filomena D. Singh binanggit ang Article 97 ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 10592, na sinumang convicted prisoner ay maaaring maka-avail ng GCTA basta nasa loob ng penal institution, rehabilitation o detention center, o iba pang  local jail.