November 24, 2024

Ilang kawani at security guards ng Ace Medical Center, kinasuhan ng illegal detention

KINASUHAN ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ng serious illegal detention at slight illegal detention ang ilang kawani ng isang pribadong ospital, kabilang ang staff ng credit and collection at security guards.

Personal na sinamahan mismo ni Mayor WES Gatchalian, kasama ang libreng serbisyo ng legal team ng LAMP-SINAG ni Konsehal Atty. Bimbo Dela Cruz, at City police chief Col. Salvador Destura Jr. ang mga biktimang sina Richel Mae Alvaro, 26, at Lovery Magtangob, 28, nang maghain ng magkahiwalay na kaso noong Marso 5 at Abril 1 makaraan umano silang pigilang makalabas ng Ace Medical Center sa Brgy. Malanday hangga’t walang papalit sa kanilang kaanak para humanap ng salaping pambayad sa kani-kanilang bill.

Batay sa kanyang salaysay, dinala ni Alvaro ang kanyang asawa sa nasabing hospital sa Barangay Malanday kung saan ito na-admit sa Intensive Care Unit subalit, namatay ang kanyang asawa noong February 14 bandang alas-8:57 ng umaga dahil sa komplikasyon.

Nagtanong si Alvaro sa Credit and Collection Officer at Administrative Officer kung paano siya makakauwi habang hindi pa nase-settle ang hospital bill na nagkakahalaga ng PhP518,519.37 subalit, pinigilan siyang umalis sa ospital at hindi man lang pinayagang lumabas pata bumili ng pagkain.

Iginiit pa ni Alvaro na siya ay binabantayan ng mga security guard sa waiting area ng ICU, kung saan siya nanatili ng halos tatlong araw. Ayon sa kanya, noong February 17 lang siya nakauwi matapos makatakas gamit ang back gate ng ospital.

Sa hiwalay na insidente, ibinunyag ni Magtangob na kasama ang kanyang kapatid na si John Christopher Santos, dinala nila ang kanyang hipag (asawa ni Santos) sa parehong ospital noong Pebrero 22, na kalaunan ay namatay din dahil sa komplikasyon ng Thyroid Storm at umabot ang kanilang bill PhP777,378.00 kaya hindi agad nakabayad ang magkapatid.

Ibinunyag pa niya na inutusan siya ng security guard ng ospital na huwag umalis sa lugar habang hinihintay ang pagdating ng kanyang kapatid, na siyang nagproseso ng settlement ng bill.

Kapwa umano ikinulong ng mga empleyado ng ACE Medical Center sina Magtangob at Alvaro, at tumanggi rin na ilabas ang death certificate ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Ayon sa mga biktima, ang nasabing ospital ay nagbigay lamang sa kanila ng probational death certificates, at ipinaalam na isa sa mga miyembro ng pamilya ay dapat manatili sa ospital habang inaayos ang bayarin.

Dahil dito, nagpasyang humingi ng tulong sina Alvaro at Santos kay Mayor WES para sa pagpapalabas ng death certificates ng kanilang mga namatay na kamag-anak, gayundin ang tulong sa pagsasampa ng kaukulang reklamo laban sa mga responsableng opisyal at empleyado ng ospital.