November 21, 2024

Takoyaki shop ibinigay na P100K sa lalaking sineryoso ang April Fools’ tattoo prank


Humingi ng paumanhin ang may-ari ng Taragis sa lalaking sineryoso ang kanilang post sa Facebook page para sa April Fools’ Day at tinotoo ang paglalagay ng tattoo sa noo ng logo ng kanilang takoyaki brand.

Pero hindi lang basta personal na humingi ng paumanhin ang may-ari ngTaragis na si Carl Quion, dahil nagbigay din siya ng P100,000 sa lalaki.

Inalis na ng Taragis ang kanilang April Fool’s Day post, at nag-post sila sa Facebook ng video sa ginawang pagbisita ni Quion sa lalaki.

Ayon sa lalaki, hindi niya nakita ang disclaimer sa post ng Taragis. Kailangan din umano niya ang premyo para sa pag-aaral ng kaniyang anak at isa pang anak na may Down Syndrome kaya nagpa-tattoo siya sa noo.

“Unexpected lahat nang nangyari. Ito may anak pala si tatay na may special na karamdaman,” sabi ni Quion sa video.

“Kumbaga, yung April Fools’ Day na post namin, naging daan pa para makilala ko siya at kahit papaano, may napasaya kaming bata,” dagdag niya.

Sinabi ni Quion na hindi nila hangad na makapanakit ng kapuwa sa kanilang April Fools’ Day post.

“Kaya sa mga nagkaroon ng negatibong pananaw sa naging April Fools’ post namin, humihingi ako ng tawad,” pakiusap niya.

“At sana magsilbing aral ito sa ating lahat, lalo na sa mga kapwa influencers ko o brand na nasa internet na maging responsable tayo sa lahat ng ina-upload natin,” dagdag niya.

Inalok din ni Quion ang lalaki na tutulungan na ipaalis ang tattoo kung nais nito. Pero sa ngayon, ayaw pa ng lalaki.

“Sabihin mo lang ‘tol kung anong desisyon mo. Puwede tayo humanap ng derma na magle-laser niyan para matanggal,” alok ni Quion. 

Una rito, nag-post ang Taragis sa kanilang FB account ng prank challenge nitong April Fool’s Day [April 1], na magbibigay sila ng P100,000 sa magpapa-tattoo sa noo ng kanilang logo.

Hanggang sa sineryoso ng lalaki ang naturang post, at ipinost ang kaniyang larawan sa ginawang pagpapa-tattoo ng logo ng Taragis.

Umani naman ng magkakaibang reaksyon sa netizens ang pangyayari, na may dumepensa at may nagsabing dapat managot ang Taragis.