November 24, 2024

P212.5 shabu na idineklarang ‘routers’ nasabat ng BOC-Clark

NASAMSAM ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark, sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), X-ray Inspection Project (XIP), Enforcement and Security Service (ESS), at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), ang tinatayang nasa 31,250 grams ng Methamphetamine Hydrochloride o shabu na may halagang P212,500,000 na natagpuan sa isang parcel na ideneklara bilang “routers”.

Batay sa isinagawang pagsusuri sa naturang kargamento ang subject na 29 packs ng vacuum sealed transparent plastic ay natagpuang naglalaman ng crystalline substances na hinihinalang shabu.

Kinuha ang mga sample at itinurnover sa PDEA para sa chemical laboratory analysis kung saan nakumpirma ang presensiya ng Methamphetamine Hydrochloride o mas kilala sa tawag na “Shabu”, isang dangerous drug sa ilalim ng R.A. No. 9165.

Isang Warrant of Seizure and Detention ang inilabas ni District Collector Erastus Sandino B. Austria laban sa subject shipment dahil sa paglabag sa Section 118 (g), 119 (d), at 1113 par. f, I, and 1 (3 and 4) ng R.A. No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na may kaugnayan sa R.A. No. 9165.

Pinuri naman ni District Collector Austria ang PDEA, CAIDTF, ESS, CISS, at XIP dahil sa walang humpay na pakikipagtulungan at pagsisikap upang mapanatiling ligtas ang bansa laban sa pagpasok ng ipinagbabawal na gamot.