SWAK sa kulungan ang isang drug suspect matapos makuhanan ng mahigit P100,000 halaga ng ilegal na droga sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta na habang nagsasagawa ng foot patrol ang mga tauhan ng Cadena De Amor Police Sub-Station sa Brgy., 175, Camarin nang maispatan nila ang dalawang lalaki na nakatayo habang nag-uusap, dakong alas-11:50 ng gabi.
Kalaunan, nakita ng mga pulis na may iniabot ang isang lalaki sa kanyang kausap na isang medium transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu kaya nilapitan nila ang mga ito.
Gayunman, nang mapansin ng dalawa ang presensya ng mga pulis ay kumaripas ng takbo ang mga ito patungong Robes, Brgy. 175 kaya hinabol sila ng mga parak hanggang sa makorner at maaresto ang suspek na si alyas “Kabeb” habang nakatakas naman ang nag-abot sa kanya ng droga.
Nakumpiska sa naarestong suspek ang isang medium plastic sachet na naglalaman ng aabot 17 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P115, 600.00.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa article 151 of RPC at Section 11 of Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002).
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA