December 24, 2024

LAPID: 640 OFWS, NABIYAYAAN NG AYUDA SA PARANAQUE CITY MULA SA DSWD-AICS

NAMAHAGI si Senador Lito Lapid ng ayuda sa 640 pamilya ng Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa Metro Manila.

Sa isinagawang payout ng DSWD at OFW partylist sa Ayala mall sa Parañaque City, tumanggap ang mga benepisyaryo ng halagang 2-milyong piso mula sa programang Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS).

Sa kanyang talumpati, itinuring ni Sen. Lapid na mga buhay na bayani ang mga OFW na nagsasakripisyo sa ibang bansa para sa kanilang mga mahal sa buhay at nagpasalamat sa malaking ambag sa ekonomiya ng remittances ng mga ito.

Ayon kay Lapid, patuloy na nakatutok ang kanyang opisina sa mga problema ng mga OFW at kanilang pamilya para mabigyan ito ng solusyon.

Kamakailan, nagsulong si Supremo ng isang resolusyon para imbestigahan ng Senado ang kwestyunableng pagkawala at pagabandona ng mga balikbayan box ng ilang local at foreign cargo forwarding companies.

Sa pamamagitan ni OFW Partylist Rep. Marissa Del Mar, nagpaaabot naman ng pasalamat kay Supremo ang mga benepisyaryo sa natanggap na napapanahong ayuda na anila’y malaking tulong na sa kanilang pangangailangan.