December 25, 2024

2 nasita sa motorcycle dress code arestado sa shabu

SWAK sa kulungan ang dalawang lalaki matapos makuhanan ng shabu makaraang masita ng mga pulis dahil sa paglabag sa motorcycle dress code habang magkaangkas sa isang motorsiklo sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Dress Code for Motorcycles and driving without license, Art 151 at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga naarestong suspek na sina alyas ‘Turo’, 38, scavenger ng Tondo, Manila at “Kid”, 25, assistance chef ng Baesa, Quezon City.

Sa nakarating na report kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, habang nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 2 sa kahabaan ng Bustamante St., Brgy., 86 nang parahin nila ang mga suspek na sakay isang motorsiklo dahil sa paglabag sa motorcycle dress code, dakong alas-9:40 ng gabi.

Sa halip na huminto, pinaharurot pa ng mga suspek ang sinasakyan nilang motorsiklo kaya hinabol sila ng mga pulis hanggang sa makorner at dito natuklasan na walang driver license ang nagmamaneho nito.

Nang kapkapan, nakumpiska ng mga pulis sa mga suspek ang dalawang plastic sachets na naglalaman ng nasa 5.1 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,680.