December 24, 2024

VOLUNTEER SOCIAL WORKER SA CALOOCAN, PINAGBABARIL SA HARAP NG INA

BINIGYAN na ng proteksiyon ng pulisya ang pamilya ng 19-anyos na volunteer social worker na pinagbabaril hanggang sa mapatay sa harap mismo ng kanyang ina sa Caloocan City.

Ito’y matapos makatanggap ng pagbabanta sa kanilang buhay ang pamilya ng napaslang na si alyas “Mark” makaraang madakip ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang isa sa dalawang suspek, isang araw matapos maganap ang krimen, nito lang Pebrero 15 sa mismong bahay ng biktima sa Avocado St. Brgy. 178, Camarin.

Sa pahayag ng 54-anyos na ina ng biktima sa pulisya, nasa sala sila ng kanyang anak nang dumating ang suspek dakong alas-10:30 ng gabi at pinagbabaril sa mukha at katawan ang kanyang anak na gumagamit noon ng laptop.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na una ng nakatanggap ng pagbabanta ang biktima matapos akusahan ng pagiging balasubas dahil sa hindi pagbabayad ng utang.

Ipinarating ni ‘Mark’ sa barangay ang pagbabanta subalit hindi pa natatapos ang usapin ay napaslang na ang biktima.

Ayon kay Col. Lacuesta, positibong kinilala ng ina ng biktima sa hanay ng mga taong may mga nagawa ng krimen ang umnao’y gunman na si alyas Melvin, 21, ng Camia St. Brgy. 177 na nadakip sa follow-up operation nina P/Maj. Valmark Funelas, Commander ng Caloocan Police Sub-Station 10.

Sinabi pa ni Col. Lacuesta na nasampahan na nila ng kasong murder at illegal possession of deadly weapon sa Caloocan City Prosecutor’s Office ang suspek matapos makumpiskahan ng patalim habang tinutugis pa ang kanyang kasabuwat at ang hinihinalang utak sa krimen na nag-akusa sa biktima ng hindi pagbabayad ng utang.