November 16, 2024

Kelot na wanted sa rape sa Samar, nasakote sa Caloocan

NADAKIP ng pulisya ang isang lalaki na wanted sa dalawang bilang ng panggagahasa sa probinsya ng Samar matapos matunton ang kanyang pinagtataguan lugar sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Amparo Police Sub-Station 15 hinggil sa pinagtataguang lugar ng akusadong si alyas “Manyakol”.

Bumuo ng team ang SS15 sa pangungunan ni P/Cpt. Gommer Mappala, kasama ang mga tauhan ng Hinabangan Municipal Police Station, PRO8 sa pangunguna ni P/Major Rex Pabunan saka nagsagawa ng joint manhunt operation kontra wanted persons na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-9:55 ng umaga sa Santol St., Brgy., 182, Pangarap Village.

Ani Col. Lacuesta, inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Yolanda U Dagandan ng Regional Trial Court 8th Judicial Region Branch 83 Calbiga, Samar noong May 12, 2008, para sa kasong Two (2) counts of Rape.

Pansamantalang ipiniit ang akusado sa custodial facility unit ng Caloocan police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula hukuman. (JUVY LUCERO)