Nanawagan si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte sa mga law enforcement agency na kumilos upang maging ligtas ang mga mamamayan at para sa tahimik at mapayapang kapaligiran.
Ang pahayag ni VP Sara ay kasunod nang pagkondena sa pananambang at pagkakapaslang kay Dr. Sharmaine Ceballos Barroquillo, doktor ng gobyerno sa Buluan, Maguindanao.
Nais ng Bise Presidente na tiyakin ng mga responsableng ahensya ng pamahalaan na ligtas ang mga mamamayan laban sa banta ng mga kriminal, terorista, at iba pang puwersa na nagnanais na takutin ang mamamayan at pahirapan ang bansa.
Hinimok ni VP Sara ang mga law enforcers na tutukan ang nasabing insidente hanggang sa mahuli at mapananagot ang mga responsable sa krimen at makamit ng biktima ang katarungan.
Si Dr. Barroquillo aniya ay tunay na naglilingkod sa mga Filipino, na dumanas ng karahasan sa kamay ng mga kriminal.
Ang nangyari sa kanya sa Buluan, Maguindanao ay isa lamang aniya sa mga insidente ng karahasan sa buong bansa na sumasalamin sa estado ng seguridad at kaayusan ng bansa.
Magtulungan aniya tayo at huwag hayaang maghari ang mga kriminal sa ating mga komunidad lalo na at sa peace and order nakasandal ang kalayaan at ang kaunlaran ng ating bansa.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA