November 15, 2024

CUSTOMS MULING BINUBUHAY DECLARATION FORMS SA NAIA

MULING binubuhay ng Bureau of Customs (BOC) ang Customs declaration form para sa arriving international passengers sa Ninioy Aquino International Airport (NAIA) Terminals at ngayon ay isinasailalim na sa pilot testing.

Sa pamumuno ni BOC-Port of NAIA District Collector Atty. Yasmin Mapa, muling binubuhay nila ang mga pasahero na i-file up via online o manual ang customs baggage declaration form at kailangang isumite sa customs officer para sa clearance ng traveler, crew at baggage.

Dati, pansamantalang itinigil ang mandatory production ng declaration embarkation cards noong 2007 dahil sa mga reklamo ng congestion sa arrival area terminal ng NAIA.

Pero sa ngayon, nais ng customs ng NAIA na ideklara ng mga pasahero ang kanilang mga dala o ang laman ng kanilang mga bagahe.

Ang Customs declaration card ay kasama na sa e-travel declaration ng Bureau of Immigration via online.

Sa ngayon, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng BOC sa Airlines Operation Councils para sa pagdadala ng mga declaration card sa mga bansang pinanggalingan ng mga dayuhan at Filipino returnees.

Ang mga embarkation card ay dapat ibigay sa mga pasahero kapag sila ay nag-check-in sa airport na pinanggalingan bago sila makarating sa Pilipinas. Pagkatapos nito, isulat kung para saan dapat ideklara ang mga bagahe pagdating sa airport.

Sa Pilipinas, hindi sila maaabala kapag sila ay nag-file nito dahil ang mga customs examiners ay kukuha ng declaration card mula sa biyahero pagdating nila sa bansa.