December 24, 2024

LAPID, PABOR SA PANUKALANG WAGE HIKE SA SENADO

SINUSUPORTAHAN ni Senador Lito Lapid ang  panukalang across-the-board wage increase na ngayon ay nakasalang sa plenaryo ng Senado.

Salig sa Senate Bill No. 2534 na inisponsoran ni Senador Jinggoy Estrada, isinusulong ang dagdag P100 na arawang sahod ng mga trabahador sa pribadong sektor.

Ayon kay Lapid, napapanahon anya ito at isa sa mga batas na kailangan ma-prioritize nila para makaagapay ang mga manggagawa sa private sector sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain, produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin.

Sinabi pa ni Lapid na hindi madali ang ganitong uri ng lehislasyon sapagkat kailangan balansehin ang interes ng mga kompanya at interes ng mga empleyado.

“Inaasahan po natin na makatutulong ito sa mga pamilyang pilipino na masabayan kahit papaano ang inflation sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng karagdagang kita pantustos sa kanilang pangangailangan,”

Dagdag pa ni Lapid na makatutulong din ito sa ating ekonomiya sapagkat inaasahan na tataas ang consumption ng ating mga kababayan dala ng pagtaas ng kanilang mga sahod.