November 15, 2024

Tulak kalaboso sa P2.1M droga sa Caloocan

SHOOT sa selda ang isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P2 milyong halaga ng droga nang maaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Northern Police District (NPD) chief P/Major Jeraldson Rivera ang naarestong suspek na si alyas “Jun-Jun”, 43 ng 6th Avenue, 3rd St., Grace Park.

Ayon kay Major Rivera, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang Regular Confidential Informant (RCI) hinggil sa pagbebenta umano ng shabu ng suspek kaya iniutos niya sa kanyang mga tauhan na isailalim ito sa validation.

Nang makumpirma na positibo ang report, ikinasa ng mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni P/Cpt. Regie Pobadora, katuwang ang Caloocan City Police Sub-Station 2 ang buy bust operation kung saan isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P4,500 halaga ng droga.

Matapos tanggapin ng suspek ang isang P500 marked money na may kasamang apat na P1,000 boodle money mula sa pulis poseur buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-9:08 ng gabi sa 3rd St., 6th Ave., Brgy. 115.

Ani Major. Rivera, nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 310 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P2,108,000.00, buy bust money, itim na bag, plastic envelope at isang motorsiklo.

Sinabi ni PSSg Elouiza Andrea Dizon na kasong paglabag sa Section 5 and 11 under Article II of R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002) ang isasampa nila laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.