November 24, 2024

VP SARA UTAK NG TOKHANG, PULONG SA NARCOTIC SMUGGLING RING – EX-COP

Ibinunyag ng nagpakilalang gunman ng Davao Death Squad (DDS) na si Arturo Lascañas na si noo’y Davao City Mayor Sara Duterte ang utak ng brutal na “Oplan Tokhang” anti-drug operation  na inilunsad ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Habang ang kanyang kapatid na noo’y si Vice Mayor Paolo “Pulong” Duterte, ang siyang nanguna sa narcotic smuggling ring sa likod ng eksenang ito.

Unang inihain ni Lascañas ang naturang pasabog laban sa dalawang anak ni Digong sa kanyang sinumpaang salaysay sa anim na araw na pretrial investigation ng International Criminal Court (ICC) noong Pebrero 2022.

Sinubukang kuhanin ang komento nina Pulong at Sara ang pasabog ng nagpakilalang hitman pero wala pa itong reaksyon.

Ayon kay Lascañas, si Sara ang nag-imbento ng Tokhang kasama si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na noo’y Davao City police chief pa lamang, para itong drug killings ay mauwi sa kidnapping cases kung saan ang mga drug suspect ay bigla na lamang naglaho.

“[Sara] was the instigator of Oplan Tokhang,” ayon kay Lascañas, na ang tinutukoy ay ang pagkatok ng mga law enforcers sa mga pintuan ng hinihinalang drug users at pushers para sabihan na itigil na ang kanilang illegal na aktibidad.

Sibalit nauwi  ang operasyon sa summary killings at pang-aabuso ng pulis, kung saan libo-libong drug suspects ang napatay dahil umano sa “nanlaban”.

Sa datos ng gobyerno, nasa 6,000 lamang ang napatay noong panahon ng drug war ni Digong. Pero sa pagmomonitor ng human rights watchdogs, umabot sa 20,000 ang nasawi.

“She (Sara) didn’t want to be constantly interviewed by the media about the killings by motorcycle-riding [gunmen] in Davao,” ayon kay Lascañas.

Nabanggit din niya na marami rin ang napatay at wala man lang kahit isa ang naimbestigahan noong mayor pa lamang si Sara taong 2010 hanggang 2013, at mula 2016 hanggang 2022.

Pagbubunyag pa si Lascañas, inutusan daw umano siya ni Sara at Dela Rosa na kidnapin at ilibing ang mga katawan ng target para ang kaso ay mauwi sa missing persons, dahil palagi raw tinatanong media ang tungkol sa drug suspect killings.

“Si Sara ang nag-craft nung Tokhang. Hindi raw nya alam ano ang ginagawa dyan sa bogus drug war. Nag-imbento s’ya ng bagong trademark, ang Tokhang, pinayagan nya si Bato na impose sa Davao,” ayon pa kay Lascañas.

Sa kanyang tantiya, mahigit-kumulang sa 3,000 ang umano’y dinukot at pinatay sa Davao sa petty crimes, kasama na ang drug-related offenses, sa ilalim ng liderato ni Sara.

Idinetalye rin ni Lascañas ang kanyang papel bilang front man ng illegal drug smuggling sa Davao City na pinapatakbo umano ng kanyang kapatid na si Pulong na noo’y vice mayor at ngayo’y congressman ng first district ng Davao.

Inamin niya na nakakatanggap siya ng P50,000 hanggang P70,000 kada linggo sa kanyang pagsisilbi bilang security escort sa transport ng bribe money, bawat utos sa kanya ni Pulong mula sa Davao port.

Ayon kay Lascañas, personal niyang inihahatid ang P50,000 kay Dela Rosa at P150,000 kay Paolo bawat linggo.

Noong Mayo 2018, nilinis ng Office of the Ombudsman at kanyang brother-in-law na si Manases Carpio sa umano’y smuggling ng P6.4 bilyon shabu sa bansa.

Kinalakadkad ang pangalan ni Pulong sa kontrobersiya matapos sabihin ng customs broker na ang Davao group ang responsible sa fast-tracking shipments. Noong Disyembre 2017, nag-resign si Paolo sa kanyang puwesto bilang vice mayor ng Davao bilang tugon sa kontrobersiya.