November 24, 2024

MOST WANTED PERSON NG VALENZUELA, NAKORNER SA BULACAN

KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang lalaki na kabilang sa talaan ng mga most wanted persons sa Valenzuela City matapos maaresto ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa kanyang pinagtataguan lugar sa Marilao, Bulacan.

Sa report ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr. sa Northern Police District (NPD), nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) na nagtatago umano ang akusadong si alyas “Jose” sa Lalawigan ng Bulacan.

Bumuo ng team si WSS chief P/Lt. Ronald Bautista, katuwang ang mga tauhan ng Northern Maritime Police Station, Navotas City sa pangunguna ni PCMS Miguel V Perez lll saka nagsagawa ng joint manhunt operation kontra wanted persons na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-12:20 ng hapon sa Beverly Homes 1, Barangay Prensa 2, Marilao, Bulacan.

Ani Lt Bautista, ang akusado ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Valenzuela City Regional Trial Court, Branch 172, Acting Presiding Judge Mateo B Altarejos noong January 12, 2024, para sa dalawang bilang ng Sexual Assault under Art. 266-A 2 of the RPC in relation to Sec. 5 B of R.A. 7610, as amended by R.A. 11648. Dinala ang akusado sa Valenzuela City Health Department para sa medical examination bago tinurn-over sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.