November 5, 2024

Pinanggalingan nang nag-viral sa panibagong harassment ng Chinese Coast Guard, tukoy na ng PCG

Nakilala  na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pinanggalingan ng video na kumakalat sa social media patungkol sa panggigipit ng China Coast Guard (CCG) sa mga mangingisdang Filipino sa Bajo de Masinloc o BDM.

Ayon kay PCG Spokesman for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, kumilos na ang PCG upang makunan ng mga sinumpaang salaysay ang mga mangingisda at mga individual na may kinalaman sa insidente.

Ayon kay Commodore Tarriela, nakuha ng PCG ang salaysay nang pinanggalingan ng nasabing viral video na si Jack Tabat, mangingisda ng  Sta. Cruz, Zambales.

Inamin aniya ni Tabat,  na kinuha ang video sa kanilang bangka, ang FB Legendary Jo.

Sa salaysay aniya ni Tabat, noong Enero 12, 2024 nakaranas ng harassment mula sa China Coast Guard ang mga mangingisdang Filipino na nangungulekta ng   sea shells malapit sa South entrance  BDM.

Inatasan aniya ng CCG ang mga mangingisda na ibalik ang nakulektang sea saka at sila ay pinagtabuyan.

Sinabi rin aniya ni Mr. Tabat na may limang Chinese Coast Guard personnel na nakasakay sa  rubber boat na lumapit sa mga mangingisdang Filipino, apat sa mga ito ay hinabol ang mga mangingisdang Filipino.

Nakuhanan din aniya ng video ni Tabat ang isang Chinese Coast Guard personnel  na hinahatak ang fishing boat at hinaharang sila sa paglayag hanggang hindi naihahagis sa dagat ang mga nakulektang sea shells.

Ayon kay Tarriela, hinihintay na lamang ng PCG ang pagdating  ng  fishing vessel na hinarang ng China Coast Guard.