November 21, 2024

Most wanted person nakorner sa Caloocan

SA loob ng rehas na bakal ang bagsak ng isang most wanted person matapos masukol sa isinawang manhunt operation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong akusado na si alyas “Antonio”, 33, garbage collector ng Barangay 176, Bagong Silang ng lungsod.

Sa ulat ni Col. Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nagsagawa ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng manhunt operation kontra wanted person na nagresulta sa pagkakadakip sa akusado dakong alas-7:30 ng gabi sa Phase 9, Package 9, Block 108, Excess Lot, Barangay 176, Bagong Silang.

Ayon kay WSS, IDMS chief P/Maj. Jansen Ohrelle Tiglao, inaresto nila ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Caloocan City Regional Trial Court Branch 125 Judge Rodolfo P. Azucena Jr. noong August 31, 2023, para sa paglabag sa Section 28 (a) in relation to Section 28 (e) (1), R.A. 10591.

Ang akusado ay pansamantalang ipiniit sa custodial facility unit ng Caloocan police habang hinihinatay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.