December 25, 2024

2 nasita sa paglabag sa ordinansa sa Caloocan, arestado sa baril

BAGSAK sa selda ang dalawang lalaki matapos mabisto ang dala nilang baril makaraang masita ng mga pulis sa paglabag sa ordinansa sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, unang nasita ng mga tauhan ng Police Sub-Station 11 na nagsasagawa ng Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) ang 39-anyos na pintor na si alyas “Ef-Ef”, ng Bagong Silang habang nakaupo at naninigarilyo sa pampublikong lugar sa bangketa ng Bicol Area St. Brgy. 175 na isang paglabag sa umiiral na ordinansa ng lungsod.

Nang pinatayo siya ni P/Capt. Joel Pinon, team leader ng SS11, napansin nila ang nakasukbit na kalibre .38 revolver sa baywang ng suspek na walang kaukulang dokumento na dahilan ng kanyang pagkakadakip.

Dakong alas-11:35 naman nang sitahin ng pulisya ang tambay na si alyas “Angelito” 18, ng Bagong Silang, nang matiyempuhang umiihi sa pampublikong lugar sa Phase 4, Robis, Brgy. 176, na isa ring paglabag sa umiiral na ordinansa.

Nang hanapan ng identification card (ID) ng mga tauhan ni Col. Lacuesta ang binata para sa pagi-isyu sa kanya ng OVR, napansin ng pulisya ang nakasukbit sa kanyang baywang na isang paltik na pen gun na may bala ng kalibre .38.

Ang dalawang pasaway na lumabag sa umiiral na ordinansa ay kapuwa sinampahan ng mas mabigat na kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (JUVY LUCERO)