November 18, 2024

4 na bodega tinupok ng apoy sa Valenzuela

TINUPOK ng apoy ang apat na malalaking bodega na pag-aari ng iba’t-ibang kompanya kung saan umabot sa halos 11-oras ang sunog sa Valenzuela City.

Ayon sa Valenzuela Public Information Office (PIO), Sabado ng alas-9:41 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa isa sa apat na magkakadikit na malalaking bodega sa 31B Bonifacio St. Brgy., Canumay East sa hindi pa matukoy na dahilan.

Sa bilis ng pagkalat ng apoy, kaagad itinaas ng Valenzuela Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog ng ika-apat na alarma dakong alas-10:22 ng gabi kung saan idineklara itong undercontrol bandang ala-1:37 ng madaling araw.

Dakong alas-4:58 naman ng medaling araw nang madamay ang ilang mga kabahayan sa lugar na dahilan upang agad iutos ni Mayor Wes Gatchalian na ilikas ang nasa 39 pamilya na kinabibilangan ng 131 katao patungo sa Evacuation Center sa 3S Canumay East covered court.

Kaagad namang naapula ang sunog sa mga kabahayan dakong alas-5:43 ng umaga na nakaapekto sa 17 pamilya habang tuluyan na ring ideklarang fire out ang apoy na lumamon sa mga bodega dakong alas-8:51 ng Linggo ng umaga.

Sa impormasyong ibinahagi ng Valenzuela PIO, kabilang ang mga natupok na bodega ang Kanrinmaru 2B General Merchandise na may mga naka-imbak na Japan surplus, SKP Warehouse na bodega ng mga home appliances, Outbox Solution na pinaglalagyan ng mga muwebles at ang Hygiena Incorporated na pinag-iimbakan naman ng mga karton.

Ang mga natupok na bodega ay pawang nangungpahan sa AGS Compound na nasa Bonifaco St. sa Canumay West.

Wala namang iniulat na nasawi o nasaktan sa sunog habang inaalam pa ang dahilan ng pagsiklab ng apoy at kung magkano ang halaga ng ari-ariang natupok.

Binigyan naman ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ng mga pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ang mga inilikas at apektadong pamilya.