Taliwas sa ipinagmayabang ng rehimeng Marcos kamakailan na lumiit ang bilang ng mga Pilipinong naghihirap noong unang hati ng 2023, dumami sa aktwal ang mga pamilyang nabubuhay sa ilalim ng pamantayan ng kahirapan.
“Nagmumukha lamang na mas mababa ang tantos ng kahirapan dahil ikinumpara ito sa tantos noong nakapailalim ang Pilipinas sa lockdown,” pahayag ng Ibon Foundation noong Disyembre 23. “Kung ikukumpara ito sa unang kwarto ng 2018, nadagdagan ng 3 milyong Pilipino o 472,000 pamilya ang bilang ng mga naghihirap—kahit pa nakabatay ito sa napakababa nang pamantayan na ₱91 kada araw.”
Sa estadistika ng Philippine Statistics Authority na inilabas noong Disyembre 22, lumiit tungong 22.4% ang bilang ng mga naghihirap na pamilya noong unang kwarto ng 2023, mula sa 23.7% sa unang kwarto ng 2021. Anito, nangangahulugan ito ng pag-ahon ng 250,000 Pilipino mula sa kahirapan. Ang itinuturing lamang nitong naghihirap na pamilya ay yaong nabubuhay sa ₱13,797 kada buwan o ₱460 kada araw. Samantala, ang tantos ng kahirapan noong 2018 ay 21%.
“Ang pagbubukas ng ekonomya ang mayor na salik sa iniulat na pagbaba sa pagitan ng unang semestre ng 2021 at parehong panahon sa 2023,” ayon sa grupo. “Kailangang idiin na hindi ito isang aktibong hakbang para ibaba ang kahirapan kundi nagmula sa pasibong pagluluwag sa napakahaba at napakahigpit na mga restriksyon sa aktibidad sa ekonomya.”
Ayon sa grupo, dapat pa ngang kwestyunin kung bakit di pa nakababalik sa antas bago magpandemya ang tantos ng kahirapan, gayong mahigit isang taon nang ipinangangalandakan na bumubwelo na ang ekonomya.
Dapat ding tingnan ang mga estadistika ng pagbaba ng tantos ng kawalang trabaho. Hindi umano tugma ang paglaki ng bilang at paglawak ng kahirapan sa pagitan ng 2018 at 2023 sa ipinagmamalaki ng estado na pagbaba ng disempleyo mula 5.4% tungong 4.6% sa parehong panahon. Alinsunod sa kalkulasyon ng nakabubuhay na sahod na ₱1,160 kada araw o ₱25,226 kada buwan sa isang 5-kataong pamilya, kailangan ng isang indibidwal ng abereyds na ₱232 para tugunan ang batayan niyang mga pangangailangan kada araw.
More Stories
SAY NO TO FIRECRAKERS
DIGONG TATAYONG ABOGADO NI VP SARA VS IMPEACHMENT
Christmas holiday: BI nagtala ng halos 190,000 na mga biyahero sa mga paliparan