November 20, 2024

2 tulak isinelda sa P240K shabu at damo sa Malabon

NASA mahigit P.2 milyong halaga ng illegal na droga ang nasamsam sa dalawang bagong identified drug pushers matapos madakip sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, Miyerkules ng hapon.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong mga suspek na sina Gery Reyes alyas Okeng, 31, at Anjoe Soriano, 24, E-trike driver, kapwa ng Bisig ng Nayon, Brgy. 4, Caloocan City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Baybayan na isinailalim ng mga operatiba Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa validation ang mga suspek matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ng mga ito.

Nang positibo ang report, kaagad nagsagawa ang mga operatiba ng SDEU ng buy bust operation kung saan isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon ng P12,500 halaga ng droga sa mga suspek.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa pulis kapalit isang brick ng marijuana ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba dakong alas-2:45 ng hapon sa P. Concepcion Street, Brgy. Tugatog.

Ani PSSg Jerry Basungit, nakumpiska sa mga suspek ang isang brick ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng P120,000, isang plastic sachet na naglalaman ng nasa 20.7 gramo ng hinihinalang shabu na nasa 140,760 ang halaga at buy bust money na isang P500 bill, kasama ang 12-pirasong P1,000 boodle money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.