November 24, 2024

MAS MALAWIG NA TERMINO SA PRESIDENT AT VP (Isinusulong ni Padilla)

Naghain si Sen. Robinhood Padilla ng isang panukala upang maamiyendahan ang political provisions ng Konstitusyon at mapalawig ang termino ng matataas na opisyal ng gobyerno.

Base sa kanyang Resolution for Both Houses No. 5, nais ni Padilla na magkaroon ng constituent assembly mula sa dalawang kapulungan ng Kongreso upang talakayin ang termino ng pangulo at pangalawang pangulo na bibigyan ng tig-apat na taong panunungkulan. Sila ay maaaring tumakbo bilang re-electionist para sa isa pang termino.

Pagkatapos ng kanilang ikalawang termino ay hindi na maaaring tumakbo ang mga ito sa ano mang posisyon sa gobyerno.

Samantala, nakapaloob din sa panukala ni Padilla ang pagkakaroon 54 elected senador na may tig-8 taong panunungkulan.

Bukod dito, sila ay puwedeng mare-elect ng isa pang beses, ayon kay Padilla.

Ito ay matapos tablahin ng Senado ang mga panukalang nagsusulong sa charter change, na mas kilala bilang “cha-cha,” dahil hindi umano ito napapanahon.