November 24, 2024

Bodega sa Malabon tinupok ng apoy

TINUPOK ng apoy ang tatlong palapag na bodega kung saan umabot sa 12-oras bago tuluyang maapula ang sunog sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni Malabon City Fire Marshal Supt. Josephus Franco Alburo, nagsimula ang sunog sa kusina sa ikalawang palapag ng bodega sa Platinum St. Godendale Subdivision, Brgy. Tinajeros dakong alas-4:44 ng hapon sa hindi pa batid na dahilan.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil sa mga naka-imbak na dental equipment at mga uri ng damit kaya’t itinaas sa ikalawang alarma ang sunog dakong alas-5:07 ng hapon.

Umabot naman sa 30 fire volunteer ang sumugod sa nasusunog na bodegang pag-aari ng isa ring fire volunteer na si Arthur Que, bukod pa sa walong fire truck ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang nagtulong-tulong na umapuila sa sunog.

Ayon sa Ground Commander ng Malabon BFP SFO4 Melinda Torres, nahirapan silang apulahin ang apoy bunga ng mga naka-imbak na gamit na gawa sa plastic, bukod sa kinailangan pa nilang butasan ang pader upang mapasok ang loob ng bodega.

Dakong alas-5:18, Huwebes ng umaga nang tuluyang maapula ang sunog habang patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon upang alamin ang pinagmulan nito at magkano ang halaga ng ari-ariang natupok sa sunog. Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa naturang sunog.