November 24, 2024

No. 8 most wanted person ng Leyte, arestado sa Caloocan

BUMAGSAK na sa kamay ng mga awtoridad ang isang lalaki na listed bilang No. 8 most wanted sa lalawigan ng Leyte matapos siyang maaresto ng pulisya sa pinagtataguang lugar sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni P/Col. Alex Daniel, hepe ng District Intelligence Division (DID) ng Northern Police District (NPD) ang naarestong akusado na si alyas “Jericho”, 23.

Sa kanyang report kay NPD Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Daniel na nakipag-ugnayan sa kanila si P/Capt. Lino Lopez, hepe ng Police Station ng Munisipalidad ng Mac Arthur, Leyte, matapos makatanggap ng impormasyon ang binuong Tracker Team ng Police Regional Office (PRO) 8 sa Eastern Visayas na nagtatago sa Caloocan City si Jericho na mahigit isang taon na nilang tinutugis.

Alinsunod sa pinaigting na kampanya ng PNP kontra wanted persons, kaagad nagsagawa ng joint manhunt operation ang pinagsamang mga operatiba ng DID-NPD, NDIT RIU-NCR, MAC ARTHUR MPS LEYTE at Northern NCR MARPSTA na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-12:15 ng hapon sa 2nd Ave. Barangay 38, Caloocan City.

Ayon kay Col. Daniel, ang akusado ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Dexter Lazarte Aguilar ng Eight Judicial Region, Branch 10, Abuyog, Leyte noong July 27, 2022, para sa kasing Anti Rape Law (RA 8353).

Pansamantalang ipiniit ang akusado sa DIDMD NPD Custodial Facility sa Langaray St. Dagat-Dagatan, Brgy. 14 Caloocan City habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order ng korte.