November 24, 2024

Bangkay ng lalaki nakalkal sa basurahan

NATAGPUAN ang bangkay ng isang hindi pa kilalang lalaki matapos makalkal ng isang scavenger sa bunton ng mga basura sa Caloocan City.

Sa kanyang ulat kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, sinabi ni Police Sub-Station 13 Commander Joniber Blaco na nadiskubre ang nakasilid na bangkay sa sako dakong alas-3:15 ng hapon sa Golden Valley, Phase 8A, Package 14, Brgy. 176 Bagong Silang ng isang nangangalakal ng basura kaya’t inireport niya ito sa barangay.

Ayon sa pulisya, nakabalot ng plastic ang ulo ng duguang biktima na tinatayang nasa 5’4 ang taas, 30 hanggang 35-taong gulang, nakasuot ng itim na t-shirt at violet na basketball short at may tattoo sa kaliwang hita ng mga pangalang “Kuya” at “Eric” habang may logo nama ng “Sputnik” sa kanang hita.

Sa ginawa namang pagtatanong ng pulisya sa mga residente at opisyal ng barangay, wala isa man ang nakakakilala sa biktima, na patunay na itinapon lamang ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang bangkay sa naturang lugar.

Sinabi ni Capt. Blaco na batay sa pagsusuri ng mga tauhan ng Northern Police District Forensic Unit (NPDFU) na pinangunahan ni P/SSg Emilio Orpilla, may posibilidad na sinakal o binigti ang biktima dahil sa bakas na naiwan sa kanyang leeg bagama’t walang nakitang tali na nakapulupot dito.

Iniutos na ni Col. Lacuesta kina P/SSg Jenny Ryan Rodriguez at P/Cpl. Bayani Auditor, Jr. may hawak ng kaso, ang pagsusuri sa mga nakakabit na CCTV camera sa naturang lugar upang matukoy kung sino ang nagtapon ng bangkay na nakasilid sa sako sa bunton ng basura.

Napagalaman na hindi ito ang unang pagkakataon na may nagtapon ng bangkay sa Golden Valley Phase 8A kaya’t malaki ang posibilidad na iisang grupo lamang ang may kagagawan ng pagtatapon ng mga pinapaslang sa naturang lugar.