December 19, 2024

BATAS NA MAGBIBIGAY NG DAGDAG PROTEKSYON SA MGA CAREGIVER, PIRMADO NA NI PBBM

NILAGDAAN bilang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 11965 o ang Caregiver Welfare Act upang protektahan ang karapatan at kapakanan ng naturang sektor, ayon sa Presidential Communication Office.

Sa ilalim ng Caregiver Welfare Act, magkakaroon ng overtime pay ang mga caregiver kapag lumampas sa walong oras ang kanilang pagtatrabaho, gayondin ang night shift differential.

Dapat ding makatanggap ng 13th month pay ang mga caregiver at limang araw na leave credit with pay para sa mga nakapagserbisyo na ng isang taon sa kanilang employer.

Sakop ng batas ang pagbibigay ng benepisyo sa mga caregiver gaya ng Social Security System (SSS), Philhealth, Pag-ibig at lahat ng benepisyong maaari nilang tanggapin sa ilalim ng batas.

Inaatasan ng batas ang Department of Labor and Employment (DOLE) na bumalangkas ng Implementing Rules and Regulations (IRR) sa tulong ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at iba pang ahensiya para sa epektibong implementasyon ng bagong batas.

Ang Department of Migrant Workers (DMW) kasama ang DOLE at TESDA ang mag-iisyu ng mga panuntunan at regulasyon para sa recruitment at deployment ng Filipino caregivers para sa kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa para masiguro ang kanilang proteksiyon at reintegration.

Magiging epektibo ang bagong batas sa loob ng 15 araw matapos na mailathala sa Official Gazette o dalawang pahayagan.