November 19, 2024

Suspek sa pagpatay sa babaeng natagpuan sa apartelle sa Caloocan, sumuko

SUMUKO na ang 34-anyos na security guard na suspek sa pagpatay sa babaeng natagpuang laslas ang leeg sa loob ng isang apartelle sa Caloocan City.

Kinumpirma ni Caloocan City Police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang pagsuko ng suspek na si alyas “Jayson”, live-in partner ng biktimang si Sarah Jane Fajardo, 32, sa programang Raffy Tulfo in Action ni Senator Raffy Tulfo.

Sa ginawang panayam ng mga staff ni Sen. Raffy Tulfo sa kanya ring programang “Wanted sa Radyo”, inamin ni Jayson ang krimen, bagama’t iginiit na tatakutin lamang umano niya ang kinakasama subalit nanlaban kaya’t hindi sinasadyang napatay niya ang biktima.

Selos ang nakikitang motibo sa naturang krimen matapos sabihin ng suspek na kokomprontahin lamang niya ang live-in partner upang alamin kung may katotohanan ang tsismis na may bago na siyang lover at napapabayaan ang apat na maliliit nilang anak.

Hindi naman naniniwala ang 70-anyos na ina ng biktima sa naging pahayag ng suspek at iginiit na planado na talaga ng manugang na hilaw ang gagawing pagpatay sa kanyang anak.

Humingi naman ng patawad sa kanyang ginawang krimen si Jayson sa mga magulang ng kinakasama kasabay ng pagtiyak na handa siyang harapin ang kaparusahan ipapataw sa kanya ng hukuman.

Ani Col. Lacuesta, iimbitahan nila ang receptionist ng apartelle na nakakita sa suspek nang lumabas sa silid kung saan naganap ang krimen upang positibo siyang kilalanin habang inaasikaso na rin ng pulisya ang mga kuha ng CCTV na gagamiting ebidensiya sa paghahain ng kasong murder laban kay Jayson. (JUVY LUCERO)