November 19, 2024

800 SA DISTANCE SWIM NG SLP, LALARGA SA NOB. 25-26

Ang mga miyembro ng Behrouz Swim team na napili sa tropang SLP na sasabak sa isang Invitational meet sa Jakarta sa susunod na taon. (Menchie Salazar)


KABUUANG 800 batang swimmers ang inaasahang sasabak sa ikalawang serye ng The Distance Swim Super Series na nakatakda sa Nobyembre 25-26 sa Muntinlupa Aquatics Center, Brgy. Tunasan,  Muntinlupa City.

Inorganisa ng Swim League Philippines, sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang  Lungsod ng Muntinlupa, ang torneo ay bukas sa lahat ng batang swimmers anuman ang kinabibilangang swimming club at organisasyon.

“Kaisa ang Swim League Philippines (SLP) sa panawagan ng Philippine Aquatics Inc., (PAI) para sa kooperasyon at pagkakaisa para wakasan ang pagkakahati-hati sa aquatics community. Lahat tayo, ang layunion ay mapalakas ang sports sa pamamagitan nang pagkakaroon ng matatag na grassroots development program,” pahayag ni SLP president Fred Ancheta-Galang.

Bukas ang torneo sa nga swimmers na nasa Class A, B, C, D at Motivational category. Iginiit ni Ancheta na may dibisyon din para sa Para-swimmers at mga coaches, dating atleta at trainors (Masters).

“May mga fillers na kaming natanggap from different swimming clubs and at this early aabot tayo ng 800,” sambit ni Acheta.

Para sa mga nagnanais pang makiisa at interesadong lumahok, makipag-ugnayan sa SLP Secretariat sa MOBILE NO.  0917 7140077 O magpadala ng mensahe sa [email protected]. Maaari ring magpadala ng lahok sa [email protected].

Ipinahayag din ni Ancheta ang matagumpay na pagtatapos sa isinagawang SLP-AOSI tryouts para sa binubuong koponan na isasabak sa Asian Open School Invitational (AOSI) Aquatic Championships sa susunod na taon sa Bangkok, Thailand

Isinagawa ang tryouts sa mga torneo ng SLP simula nitong Oct. 7 (Muntinlupa Aquatic Center),  Oct 14 (Cebu City), Oct. 14 (Isabela City), at Oct. 28 (Rizal Memorial Sports Complex). (RON TOLENTINO)