November 19, 2024

4 na motornaper arestado sa Caloocan

NADAKIP ng pulisya ang apat na karnaper na tumangay sa motorsiklo ng isang policewoman matapos tangkain nila itong ibenta gamit ang isang social media account sa Caloocan City.

Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nadakip ng pinagsanib na puwersa ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) sa pangunguna ni P/SSg Paul Colasito at ng Caloocan Police Sub-Station 9 (SS-9) ang mga suspek na kinilala lang sa mga alyas na “Reynald”. 25, “Ranie”, 21, “Warren”, 26, pawag mga residente ng Phase 4 Brgy. 176, Bagong Silang at “Justin” 23, 3rd year college student at residente ng Brgy. 175 Camarin.

Lumabas sa imbestigasyon ni P/Cpl. Jezeli Delos Santos ng DACU na naglahong parang bula ang Honda Click 125 na motosiklo ni Patrolwoman Ana Marie Sales, 25, nakatalaga sa SS-9 na ipinarada niya sa harap ng kanilang bahay sa Banker’s Village 1, Brgy. 171, Bagumbong noong Sabado, Oktubre 21, alas-7 ng umaga kaya kaagad niya itong inireport sa kanilang Station Commander na si P/Maj. Jose Hizon at DACU chief P/Lt Col. Noel Ramirez.

Linggo ng umaga nang makita ni Pat. Sales na ibinebenta na sa Facebook account ng Talon Casa Buy & Sell Nation ang kanyang motorsiklo kaya kaagad niya itong kinontak, gamit ang account ng kanyang pinsan.

Matapos makipag-transaksiyon, ikinasa ng DACU at SS-9 ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek at pagkakabawi sa ninakaw nilang motorsiklo ng policewoman sa Bagumbong Dulo, Brgy. 171 North Caloocan, dakong alas-5:15 ng umaga. (JUVY LUCERO)