December 25, 2024

Dating Pangulo balak kasuhan… EX-PRES DUTERTE GUSTONG PATAYIN SI ACT REP. CASTRO

Nagkakaisa ang mga grupong progresibo at abugado na dapat kasuhan ang dating presidente na si Rodrigo Duterte sa kanyang tahasang pambabanta sa buhay ni Deputy Minority Leader at ACT Rep. France Castro.

Ginawa ni Duterte ang pambabanta sa isang panayam sa kanya sa telebisyon noong Oktubre 11. Ikinagalit niya ang pang-uusisa at pagkontra ni Representative Castro at ng blokeng Makabayan sa confidential at intelligence funds ng kanyang anak na si Sara Duterte. Sinabi si Castro ang target ng CIF at direkta niyang sinabing gusto niyang patayin ang kongresista.

“Sabi ko kay Inday (Sara Duterte), diretsuhin mo na. Itong intelligence fund na ito is to prepare the minds of the Filipinos, itong insurgency na hindi matapos-tapos and the ROTC para preparado tayo kung magkagiyera. [Sa] ganitong sitwasyon ngayon, ‘pag wala tayong sundalo, meron tayong mga bata who will take care of their respective barangay to help government,” ani Duterte.

“Pero ang una mong target sa intelligence fund mo, ‘kayo, ikaw, France (Castro), kayong mga komunista ang gusto kong patayin.’ Sabihin mo na sa kaniya. Pero hindi naman niya sinabi, sabi niya, ‘Alam mo kasi, Pa, ‘pag sinabi ko, baka i-harrass na ‘yung mga PMT’,” saad pa niya.

Itinuring ng ACT ang pahayag na ito bilang seryosong banta sa buhay ni Castro.

“Ang mga pahayag ni Rodrigo Duterte, na dati nang pasista at berdugo, ay nakasusuklam,” pahayag ng pinuno ng ACT na si Vladimir Quetua. “Malinaw na direktang banta ito sa buhay ni Castro at mga progresibong grupo at indibidwal na nakikibaka lamang para sa lehitimong mga usapin at karapatan ng mamamayan.”

“Dapat kasuhan si Rodrigo Duterte sa kanyang direktang pambabahnta laban kay Rep. France Castro,” pahayag ni Atty. Kristi Conti ng NUPL-National Capital Region. “May kakayahan siya at handa siyang ipatupad ang mga bantang ito.” Bago nito, tinanggal ng isang komite sa Kongreso ang CIF na nakalaan sa nakababatang Duterte bilang bise-presidente at kalihim ng Department of Education. Ito ay matapos ang walang awat na pagbubunyag at pagtutol dito ng blokeng Makabayan at iba’t ibang mga grupo.