December 24, 2024

Gasolina, diesel pupuwede bang gamitin bilang pang-disinfect?

Matapos ang kakaibang suhestiyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing pamalit ang gasolina at diesel para mag-disinfect ng mask at kamay, marami ang nagtatanong, ligtas ba itong gamitin?

Sa meeting ng Pangulo sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease, pinayuhan ng pangulo ang mga taong hindi kayang bumili ng aerosol disinfectant sprays na gumamit na lang ng gasolina upang matanggal ang virus.

“Maski na gamitin mo ‘yan dalawang beses okay man, i-sprayan mo nalang ng alcohol… Pagkatapos ng araw, hang it somewhere i-sprayan mo ng Lysol if you can afford it. ‘Yung wala, ibabad mo ng gasolina o diesel,” ayon sa Pangulo.

Wala namang direktang sagot si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nang tanungin kung ligtas bang gamitin ang gasolina o diesel bagkus sinabi nito na inirerekomenda ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) ang paghuhugas ng kamay at paggamit ng alkohol.

Dati na ring inrekomenda ng Pangulo noong Abril ang paggamit ng gasolina bilang pang-disinfect, na pinabulaanan naman ng fact-checking website na FactRakers, na delikadong raw ito gamitin base sa United States Center for Disease Control dahil magdudulot lamang ito ng sakit sa balat tulad ng dermatitis, sugat at maari pang maging sanhi ng sunog.