December 25, 2024

KALAPATI, CONDOM GAMIT SA PAGPUSLIT NG DROGA SA BILIBID

Umabot na sa “nakaaalarmang” lebel ang pagpuslit ng droga sa New Bilibid Prison (NBP), ayon kay Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr., at idinagdag na ipinapasok na ang methamphetamine, o “shabu,” sa pasilidad gamit ang condoms at kalapati bilang carriers.

Isiniwalat ni Catapang ang paraan ng smuggling nitong Huwebes sa public hearing na pinamumunuan ng Senate Committee on justice and human rights.

“What the inmates are doing now is [they are instructing their visitors] to hide shabu in condoms,” pahayag ni Catapang.

“Ito po ay nilalagay sa pwerta ng babae[ng mga bisita. Hindi naman po namin pwedeng kapkapan ang mga babae at makakasuhan naman po kami doon,” dagdag niya.

Hindi pa roon natatapos ang taktika ng mga preso. Sinabi ni Catapang na ilang sa kanila ang nag-aalaga ng kalapati upang makakuha ng shabu.

“Ang pinaka latest po ngayon ay ang mga kalapati – ang mga bata o bisita nila ay may dalang itlog. I-incubate [ito] doon and after so many months ay mapipisa. Palalakihin ito at tuturuan ang mga kalapati na maglipad lipad sa paikot. Pagdating ng mga bisita ay ibibigay ang kalapati at matututo na bumalik sa kanilang pugad,” pahayag ni Catapang.

Inihayag ito ni Catapangupang ipaliwanag kung bakit patuloy pa rin ang drug smuggling sa NBP. Binigyang-diin niya na kailangan nila ng high-end equipment upang labanan ang mga iligal na aktibidad na ito. “Hindi pa rin shabu o drug-free ang Bilibid. Masasabi ko pong totoo na hindi pa po. Kaya talaga kailangan namin ang mga gamit na may kamahalan,” aniya.