November 18, 2024

15-ANYOS PATAY SA ‘OPLAN SITA’ NG MGA PULIS SA RIZAL

TINIYAK ni Philippine National Police chief Gen. Benjamin Acorda Jr., sa publiko na mapapanagot ang mga nakapatay sa 15-anyos na lalaki sa Rodriguez, Rizal.

Ayon kay Acorda nasa kustodiya na ng PNP si Corporal Arnulfo Sabillo at kanyang kasama na si Jeffrey Baguio, na itinuturing na pangunahing mga suspek sa pagpatay kay John Frances Ompad noong Agosto 20.

Natamaan din ng bala ng mga suspek ang 19-anyos na kapatid ni Ompad na si John Ace.

Sinuguro ni Acorda sa publiko, partikular sa pamilya ng mga Ompad, na makakamit ang hustisya.

“We are committed to ensuring that the bereaved family finds justice for their deceased loved one. Such actions are deeply regrettable and do not represent the values of the Philippine National Police. We will ensure a thorough and impartial investigation and appropriate action will be taken against those found responsible,” ayon kay Acorda.

Kinasuhan na sina Sabillo, 37, at Baguio, 27, ng homicide at attempted homicide matapos ilang maaresto isang araw matapos ang pamamaril.

Sinibak naman sa puwesto ang lahat ng ahente ng Community Police Assistance Center 5, kung saan nakatalaga si Sabillo, upang bigyang daan ang isasagawang imbestigasyon.

Ayon sa ulat, nakasakay sa motorsiklo si John Ace at papauwi na sa kanilang tahanan nang parahin siya ni Sabillo, na nakasuot ng sibilyan, at ang isa pang suspek.

Sa pag-aakalang ang mga suspek ay mga kriminal, hindi huminto ang biktima, ang binato ang kanyang helmet sa mga suspek at nagpatuloy na nagtungo sa kanyang bahay.

Bilang tugon, pinaputukan ng isa sa mga suspek ang direksyon ni John Ace, kung saan tinamaan si John Frances sa tiyan matapos lumabas ang huli sa kanilang bahay.

Idineklarang wala nang buhay ang 15-anyos na si John Frances habang ginagamot sa East Avenue Memorial Medical Center sa Quezon City.

Sinabi ni Acorda na ang PNP ay nananatiling nakatuon sa pagtataguyod ng panuntunan ng batas at pagtiyak na ang hustisya ay mananaig sa lahat ng pagkakataon.