November 18, 2024

Babaeng Taiwanese national na dinukot at ginahasa, nailigtas sa Malabon 

NAILIGTAS ng pulisya ang isang babaeng Taiwanese national na dinukot at ginahasa pa umano ng isa sa pitong Chinese nationals kung saan dalawa naman sa mga suspek ang naaresto sa ikinasang rescue operation sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Sa report ni Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, dakong alas-3:00 ng Linggo ng hapon nang ma-rescue ng mga tauhan ng Intelligence Section (SIS) sa pangunguna ni P/Lt. Jonas Gato at Sub-Station 1 ng Malabon police ang 35-anyos na biktimang Taiwanese national at residente ng BGC Makati City na ikinulong sa isang bahay sa No. 89 Block 5 Oak Street, Victoneta North, Barangay Potrero, Malabon City.

Dalawa naman sa mga suspek ang arestado na kinilala bilang sina Zheng Xi Lin, 34, at Ma Pun Xin, 36, kapwa Chinese National at parehong nakatira sa nasabing bahay.

Lumabas sa imbestigasyon nina PSSg Jeric Tindugan at PCpl Joann-Rose Tindugan ng Malabon police, noong nakaraang August 14, 2023 ay inimbitahan ang biktima ng kanyang kaibigan na ang pangalan ay “Axin” na magkita sila sa Malate, Manila.

Nang pumunta ang biktima sa nasabing lugar ay hindi niya nakita ang kaibigan at doon na siya umano piniringan at dinukot ng pitong Chinese nationals saka isinakay sa isang pribadong sasakyan at dinala sa isang bahay sa Malabon City kung saan siyang ikinulong.

Nagawa namang makahingi ng biktima ng tulong sa kanyang kaibigang lalaking Taiwanese national na siyang humingi ng tulong sa mga tauhan ng Malabon police kaya kaagad iniutos ni Col. Tangonan sa kanyang mga tauhan ang pag-rescue sa biktima.

Sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS) ng cellphone ng biktima, kaagad natunton ng mga pulis ang bahay kung saan siya ikinulong na nagresulta sa pagkakaligtas sa kanya at pagkakaaresto sa dalawa sa mga suspek.

Sa pahayag sa pulisya ng biktima, dalawang ulit umano siyang ginahasa ng lider ng mga suspek noong Agosto 18, 2023, sa kabila ng pagbibigay niya ng hinihinging malaking halaga ng salapi para siya palayain na umaabot sa kabuuang halagang US$ 124,233.00 (US dollar) na nai-transfer niya sa pamamagitan ng serye ng online transactions.

Patuloy naman ang follow up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa iba pang mga suspek.