Higit sa pagiging “keyboard warrior,” kailangan ang disiplina at kahandaan dulot ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa pagtatanggol sa bayan, lalo na laban sa dayuhang mananakop.
Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Sabado sa pagtatapos ng Visayas Regional Qualifying Leg ng Philippine ROTC Games 2023 sa Iloilo City.
Ayon kay Padilla, maaaring madamay ang Pilipinas sa tensyon sa Asya at ibang bahagi ng mundo, kung kaya’t kailangang handa at organisado ang mamamayan, lalo na ang kabataan.
“Sana dumating ang araw na yung mga kabataan na matapang lang sa keyboard, na nakikipag-away sa keyboard, (na naniniwalang) mapapangalagaan ang kalayaan natin sa pagiging warrior sa keyboard, e sana gumaya sila sa inyo. Gumaya sila sa pagmamahal ninyo sa bayan, pagmamahal ninyo sa pamilya ninyo. At higit sa lahat ang disiplinang meron kayo,” aniya sa mga lumahok sa kanyang talumpati.
“Walang masama ang taong handa. Ang pinakapalpak sa lahat ng tao yung hindi handa,” dagdag niya.
Ani Padilla, ngayon ay panahon na may mga pagbabago sa daigdig, kasama ang giyera sa Ukraine at ang gusot sa Taiwan.
Nguni’t ipinunto niya na bagama’t handa ang kapitbahay natin katulad ng South Korea at Singapore na may mandatory military service sa mga mamamayan, wala nito sa Pilipinas. “Tayo lang ang relax na relax, relax na relax tayong mga Pilipino,” aniya.
Ayon din sa kanya, hindi niya maintindihan ang argumento ng ilan na ang ROTC ay makakapigil sa kalayaan, dahil ang ROTC ay tutulong sa mamamayan sa pangangalaga ng kalayaan.
Tinapos ni Padilla ang kanyang talumpati sa pagkanta ng “Pilipinas Kong Mahal,” na kinanta niya nang pumunta siya sa Pagasa Island noong 2021. Ipinamahagi rin ni Padilla ang mensahe ng kanyang maybahay na si Mariel, na sumusuporta sa ROTC at sa mga lumahok sa ROTC Games. “Mabuhay kayo, salamat sa ginagawa ninyo para sa ating bayan,” ani Mariel
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA