November 18, 2024

8 OPISYAL NG PHILIPPINE PORTS AUTHORITY SA BOHOL, SINIBAK SA ‘INUMAN SESSION’

Tinanggal sa posisyon ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago ang walong opisyal ng Port Management Office (PMO) Bohol na nahuli sa CCTV na nag-iinuman sa loob ng multipurpose hall ng opisina ng pantalan.

Sinasabing may selebrasyon dahil sa  birthday ng Acting Port Manager ng Bohol na si Lord Tyrone Agaton.

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, nakita sa surveillance video na nagpa-party ang empleyado at mga opisyal ng PMO Bohol noong Miyerkules ng gabi na pinangunahan pa ni Agaton,  kasama ang mga bisitang banda habang nag-iinuman sa loob ng opisina.

Bukod kay Acting Port Manager (APM)  Agaton  kasama sa tinanggal sina PMO Bohol Port Services Division Manager Julius Jumangit, Atty. Sherlito Columnas Jr. ng legal department, Safety Officer Atty. Romeo Cabading II at limang port police officers na  sina: Edcel E. Epan, Victor B. Cagulada, Mary Maricka R. Aguirre, Meljann B. Oronan, at Emily Ross C. Tubio.

Ayon kay Santiago, hindi karapat-dapat sa serbisyo ng gobyerno ang mga tiwali at abusadong opisyal na hindi marunong rumespeto sa mga pasilidad na ng pamahalaan na ginawa para sa taumbayan.

Paalaala ni Santiago,  kahit birthday o anumang okasyon hindi dapat umiinom ng alak sa opisina.

Agad namang humingi ng paumanhin si Agaton na nangatwiran na lasing na sila sa alak kaya nagawa nilang mag-inuman, magsayawan, at magkantahan sa loob mismo ng opisina sa pantalan. Ani Santiago, hindi nagsisinungaling ang CCTV at isang malaking pagkakamali na gawin ang inuman sa loob ng opisina kasama ang mga matataas na kawani ng pantalan sa Bohol.