January 19, 2025

Naniniwalang matutugunan isyu sa WPS… 54% PINOY PABOR SA PAGPAPALAWIG NG PH-US MILITARY TIES

Suportado ng karamihan sa mga Pilipino ang pagpapalawig pa sa military cooperation ng Pilipinas at Estados Unidos para tugunan ang suliraning kinakaharap ng bansa sa West Philippine Sea.

Ito ay batay sa pinakahuling Tugon ng Masa nationwide survey ng OCTA Research mula Hulyo 22 hanggang 26, 2023 sa 1,200 na mga babae at lalaking Pilipino na mayroon edad na 18 taong gulang at pataas.

Dito ay nakapagtala ang ahensya ng nasa 54% ng mga adult Filipinos ang pabor sa pagpapalakas at pagpapalawig pa sa military ties ng Pilipinas at Estados Unidos, habang nasa 11% naman ang hindi pabor, at 32% naman ang undecided.

Sa datos, nasa 56% ang naitala sa Luzon, habang 59% naman sa Mindanao, 46% naman ang nakalap sa National Capital Region at Visayas na pawang mga pabor din sa nasabing usapin.

Samantala, sa kabila nito ay nakapagtala rin ang naturang grupo ng mga hindi pabor sa pagpapalawig pa sa US-PH military ties kung saan 14% ang naitala sa Visayas, 11% sa Luzon, 8% sa Metro Manila, at 11% sa Mindanao.