December 19, 2024

PH Soft Tennis Team may patutunayan bilang astig sa Asian Games

Ph Soft Tennis Team

WALANG sasayangin na sandali at pagkakataon ang Philippine Soft tennis, sa pangunguna ng beterana at multi-titled na si Bien Zoleta-Manalac para makamit ang ‘ultimate goal’ – podium finish sa Asian Games.

Matapos ang matagumpay na kampanya sa Southeast Asian Games sa Cambodia nitong Hulyo, dalawang Asian level tournament —ang Incheon Bank Korea Cup at Thailand Open –ang nilahukan at napagtagumpayan ni Zoleta at mga kasanggang Pinoy soft tennis.

Ayon kay Zoleta, nasa tamang direksyon ang koponan matapos ang magkakasunod na tagumoay sa torneo abroad, at ang masinsin na pagsasanay, kabilang ang pagdalo sa Korean Camp, at programa ng Philippine Soft Tennis Federation at gabay ng mga coach na sina Divine Escala and Michael Enriquez, ay isang hudyat ng kahandaan para makamit ang matagal nang mithiing medalya sa Asian Games.

Sa Hangzhou, China sa darating na Oktubre 3-9, nagpahayag ng kahandaan si Zoleta para sa pinakamalaking hamon sa kanyang career.

“Halos abot-kamay ko na ang Asian Games podium in 2014 (Incheon, South Korea) and 2018 (Palembang, Indonesia) pero kinapos. Andoon na nasa-match point na, konting tambling na lang bronze na sana, kaya on my personal campaign this coming Asian Games is truly the ultimate battle,” pahayag ng Cambodia SEA double gold medalist sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa PSC Conference Room sa loob ng makasaysayang Rizal Memorial Sports Center sa Malate, Manila.

Hindi maitago ng 27-anyos na si Zoleta ang pagiging emosyunal sa sandalling nagbabalik-alalaala ang mga humulagpos na pagkakataon, kabiguan, sakripisyo at pakikipagtunggali sa banta ng injury.

“I almost gave up, pero nagpapasalamat ako sa Diyos at ibinigay niya sa aking ang mga tamang tao na gumabay sa akin para makabangon sa injury at maipagpatuloy ang laban para sa isa pang pagkakataon sa Asian Games, gagawin ko ang lahat,” sambit ng halos maiyak na kampeon sa public sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat.

Iginiit ni Escala na matibay ang koponan na isasabak sa Asian Games, at patitibayin pa umano ito sa nakalinyang pagbabalik sa Korea para sa dalawang linggong pagsasanay bago tumulal patungong China. Ang tagumpay ni Catindig sa women’s single sa Thailand Open ay patunay na hindi pipitsugin ang Pinoy soft tennis.

“Napatunayan nila ang kanilang kakayahan, we won 3 golds, 1 silver and 2 bronze medal sa SEA Games, with Bien defending the women’s title with partner Princess Catindig. Ang Princess beat a Korean players sa Indoensian Open last week, while Bien in partner with Dheo Talatayod took the bronze medal in Korean Open,” pahayag ni Escala.

“Yung training camp. Yung suporta ng PSC, POC at ng Psychology department ng MSAS ay malakign tulong sa aming mga players. Hopefully with this winning run madala namin sa Asian Games. Talagang pagbubutihan naming,” pahayag ni Catindig, ipinagmamalaking homegrown talent ng Sta, Rosa, Laguna.

Bukod kina Zoleta at Catindig, sigurado na sa Asian Games sina Johnny Arcilla, Christy Sanosa, Fatima Ayesha Amirul, Noelle Nikkie Zoleta at Virvienica Bejosano batay sa SEAG gold and silver criteria ng Philippine Olympic Committee. “Hopefully mapayagan pa yung tatlo na nasa class B, kabilang si Talatayod para kunmpleto ang women’s and men’s team namin at makalaro din tayo sa mixed doubles,” sambit ni Escala.