December 20, 2024

2 lalaki arestado sa granada at P130K shabu sa Caloocan

ARESTADO ang dalawang hinihinalang drug personalities matapos makuhanan ng pampasabog at mahigit P.1 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong mga suspek na sina Melvin Ringor, 40, (pusher) ng Block 13 Lot 25 Moon Flower Street, BF Homes, Brgy. 168 at Rogelio Sandigan Jr, 40 ng at 726 P. Herera Street, Barangay 9, Tondo, Manila.

Sa ulat ni Col. Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Rizalito Gapas, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant (RCI) hinggil sa umano’y ilegal drug aktibidad ni Ringor kaya isinailalim siya sa validation.

Nang positibo ang ulat, agad ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Cpt. Ronald Allan Soriano, kasama ang mga tauhan ng 3rd MFC RMFB NCRPO ng buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek matapos bintahan ng P8,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa bahay ni Ringor dakong ala-1:30 ng madaling araw.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 20 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P136,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 8-pirasong P1,000 boodle money, sling bag at hand grenade.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at Possession of an Explosive or Incendiary Device.