November 18, 2024

PAGBABA NG IMPLASYON, WALANG EPEKTO SA TAAS-PRESYO

Patuloy na tumaas ang presyo ng bigas, gulay, isda at langis noong Hulyo sa kabila ng ipinagmayabang ng mga upisyal ng rehimeng Marcos Jr na pagbaba ng tantos ng implasyon tungong 4.7%. Lalo itong sisipa ngayong Agosto matapos ipatupad ang mga taas-singil sa LRT at toll fee at ang walang-awat na pagsirit ng presyo ng langis. Lalo ring tataas ang mga presyo sa harap ng pinsala sa agrikultura na dulot ng sunud-sunod na sakuna at kawalang suporta ng estado sa sektor ng agrikultura.

Sa isang pahayag ng Ibon Foundation noong Agosto 7, ikinumpara nito ang presyo ng mga bilihin sa National Capital Region noong nakaraang taon sa presyo nito sa kasalukuyan. Ang bigas, halimbawa, ay nag-aabereyds sa ₱43.90 kada kilo noong Hulyo 2022 ay ₱45.50 na sa Hulyo 2023. Mas matataas rin ang presyo ng mga gulay, isda at itlog.

“Pinahihirapan ng nagtataasang presyo ang pamilyang mahihirap, kulang ang kita at kahit ang nasa panggitnang uri,” ayon sa Ibon. Pinansin nito ang sarbey ng Social Weather Stations noong Hunyo kung saan walo sa bawat 10 (78%) ay maituturing na mahirap noong Hunyo. Halos 19 milyong pamilya o 70% ang walang impok, ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Milyun-milyon ang walang trabaho at halos kalahati ng may trabaho (45%) ay nasa mga trabahong impormal o self-employed, mababa ang sahod at walang katiyakan, ayon sa grupo. Pinakamatas pa rin sa Southeast Asia ang tantos ng implasyon sa Pilipinas, ayon sa grupo. Walang ginagawa ang administrasyong Marcos Jr para pataasin ang purchasing power o kakayahang bumili ng mamamayang Pilipino. Wala itong hakbang para itaas ang sahod ng mga manggagawa at magbigay ng ayudang pampinansya sa mga naghihirap na pamilya.