WALANG kawala ang dalawang holdaper na nambiktima sa 42-anyos na ginang nang makapag-responde kaagad ang mga pulis na nagkataong nagpapatrulya sa lugar Huwebes ng madaling araw sa Navotas City.
Pinaghahatian na nina Alfie Andres 35, ng 47 A Remigio St Brgy Maysilo at Edgardo Santos, 52, ng 28 Pantihan-2 Naval St., Malabon City ang kanilang nakulimbat sa biktimang si Maristel De Chavez, nang dakmain sila nina P/SSgt. Mervin Villanueva at P/Cpl. Mark Joseph Quillan ng Intelligence Section ng Navotas Police Station sa bahagi ng Brgy. San Roque.
Sa ulat na isinumite ni P/SSg Levi G Salazar, may hawak ng kaso, kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, naglalakad ang biktima sa kahabaan ng Badeo-5, Brgy. San Roque dakong alas-2:45 ng madaling araw nang salubugin at tutukan ng baril ng mga suspek na nagdeklara ng holdap.
Sa takot ng biktima, ibinigay na lamang niya ang suot na relos, gintong singsing, at salapi na may kabuuang halagang P5,490.00. Nagsisigaw lang na humingi ng tulong ang biktima nang makalayo na sa kanilang pagtakas ang mga holdaper.
Nagkataong dumadaan ang dalawang pulis sa lugar kaya’t kaagad nilang inalam sa biktima ang suot at pagkakalilanlan sa mga suspek na naging daan ng pagkakadakip sa mga ito.
Nabawi ng mga pulis sa dalawang holdaper ang lahat ng kanilang nakulimbat, pati na ang kalibre .38 baril na may kargang tatlong bala.
More Stories
DIGONG TATAYONG ABOGADO NI VP SARA VS IMPEACHMENT
Christmas holiday: BI nagtala ng halos 190,000 na mga biyahero sa mga paliparan
Sharks Billiards Association inaugural season… TAGUIG STALLIONS ANG KAMPEON