Walang pinipiling edad ang edukasyon.
Iyan ang pinatunayan ng 72-anyos na si Carlos Saladaga o mas kilala bilang Tatay Carlos o ALO matapos makapagtapos ng senior high school sa Daantabogon National High School.
Kumuha si Taytay Carlos ng General Academic Strand (GAS) sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) kasama ang 44 iba pa.
Siya ay nagmula sa Muabog, Tabogon, Cebu. Mayroon siyang isang anak at anim na apo.
Sinabi ni Saladaga, minsan na rin siyang naging tampulan ng tukso dahil sa kanyang edad pero binabalewala niya ito sapagka’t nais niyang makamit ang tagumpay at maging matatag sa pag-aaral sa kabila ng problema sa pinansiyal.
Kuwento pa ni Saladaga, sa mga kaibigan niya tanging siya lang ang hindi nakapag-aral. Kaya habang nagtatrabaho siya bilang magsasaka, minabuti niyang tapusin ang kanyang pag-aaral.
Ibinahagi naman ni Lymar Cueva na dating ALS teacher sa junior high school kung ano ang katangian mayroon si Tatay Carlos bilang kanyang estudyante sa kabila ng kanyang edad.
“Masigasig siyang estudyante, laging sabik na matuto at palawakin ang kanyang kaalaman. Palagi siyang aktibo sa mga gawain sa klase, at kung mayroon siyang hindi maunawaan sa aming klase, hindi siya nag-aatubiling magtanong,” ayon kay Cueva.
Minsan niya ring natanong si si Tatay Carlos kung bakit ito pumapasok sa eskwela sa kabila ng kanyang edad.
Sagot sa kanya ni Tatay Carlos, nais niyang maging magandang halimbawa at ipakita sa lahat na ang edukasyon ay walang pinipiling edad.
Nais ni Taytay Carlos na maging isang agriculturist.
“Gusto kong tulungan ang mga bayani nating magsasaka na katulad kong mahal na mahal ang organic farming,” wika niya.
Sinabi rin niya na habang siya’y nag-aaral bilang senior high school student, nagtatanim din siya ng mga pananim.
Ngayong nakapagtapos na siya ng senior high school, nais niyang tumuloy sa kolehiyo. Pero nakadepende raw iyan sa kanyang pinansiyal.
Payo ni Saldaga sa mga tumugil at hindi na pumasok sa eskwelahan: Ano man ang layunin nila sa buhay, dapat nilang ipag-patuloy ang pag-aaral. Kailangan nila ito.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA