December 26, 2024

Construction worker todas sa kainuman sa Malabon

TODAS ang isang construction worker matapos pagsasaksakin ng kanyang kalugar makaraang magkapikunan habang nag-iinuman sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Naisugod pa ng kanyang anak sa Ospital ng Malabon ang biktimang si Narciso Yureta, 45, at residente ng Block 2, Kadima, Letre, Road, Brgy. Tonsuya subalit binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas ang mga tinamong tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Iniutos naman kaagad ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang pagtugis sa suspek na si Erick Cabides, nasa hustong edad at residente rin sa naturang lugar na mabilis na tumakas makaraan ang pananaksak.

Lumabas sa imbestigasyon nina P/SSg Bengie Nalogoc at P/Cpl Marlon Renz Baniqued na nag-iinuman ang magkakapitbahay sa kanilang lugar sa Block 2 Kadima, Letre Road nang magkaroon ng kulitan hanggang magkapikunan umano ang biktima at ang suspek, dakong alas-11:30 ng gabi.

Naawat naman ng kanilang mga kainuman ang dalawa subalit habang nakatayo sa harap ng kanilang bahay si Yureta, bigla na lang siyang nilusob at pinagsasaksak ng suspek bago mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon.

Iginiit naman sa pulisya ng mga kaanak ng nasawi na walang kaaway o nakagalit sa kanilang lugar ang biktima kaya’t nagtataka sila kung bakit sa malupit na paraan idinaan ng suspek ang kanyang pagkapikon sa kanilang inuman.

Gayunan, sinabi ni Col. Daro sa panayam na nagsasagawa pa ng pagsisiyasat ang pulisya hinggil sa nangyaring krimen habang patuloy ang isinasagawang paghahanap sa tumakas na suspek.